Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng opisyal ng Philippine Coconut Authority (PCA) na magsumite ng courtesy resignation para magkaroon ng freehand ang bagong Chairman na pumili ng sariling tao.

Ang direktiba ay ginawa ng Pangulo sa Change of Command ng Philippine Air Force ngayong gabi sa Villa­mor Airbase sa Pasay City.

Sinabi ng Pangulo na hindi niya hinuhusgahan ang mga PCA official subalit hindi aniya siya komportable sa lahat ng mga tao sa PCA.

Mayroon aniyang kasaysayan ng katiwa­lian ang ahensiya kaya kinakailangang magsumite lahat ang mga ito ng courtesy resignation.

“This is not to you know, nothing about prejudice or prejudgement. I am not comfor­table with all the people in that agency, for historically it has also been plagued with corruption. So I have asked them to tender resignation as a matter of courtesy,” anang Pangulo.

Bininigyan ng Pangulo si bagong PCA chairman retired Air Force Chief Galileo Kintanar na pumili ng mga taong makakatulong nito na tapat at maaasahan dahil malaking pondo ang kailangang protektahan laban sa katiwalian. (Aileen Taliping)