Mga ospital na tumanggi sa mga pasyente tatalupan ng Senado – Go

Balak ni Senador Christopher Lawrence `Bong’ Go na imbestigahan sa Senado ang mga ospital na tumangging tumanggpa ng pasyente sa gitna ng krisis sa coronavirus disease.

“Papaimbestigahan ko rin ito bilang chairperson ng Committee on Health sa Senado. Ipapatawag natin ang mga ospital na ito sa tamang panahon and those responsible for these unlawful acts should and will be held accountable,” pahayag ni Go.

Sa kasalukuyan, sinimulan na ng National Bureau of Investigation, Department of Justice and Department of Health ang pagsisiyasat sa mga ospital na tumangging gamutin ang mga dumarating sa kanilang mga pasyente.

“Sa ngayon, papaimbestiga rin natin ito sa NBI at DOH Health Facilities Oversight Board. Nagsabi na rin si DOJ Secretary Guevarra na handa silang imbestigahan at panagutin itong mga hospital officials who refuse to provide initial medical treatment in serious or emergency cases,” ani Go.

Binigyang-diin ng senador na kailangang managot ang pamunuan ng mga ospital na tumangging bigyan ng emergency care ang kanilang mga pasyente.

“Alam ko na nahihirapan tayong lahat dahil sa health crisis dulot ng COVID-19. Kulang tayo sa kagamitan sa ospital, tulad ng PPEs. Lampas sa kapasidad ang karamihan sa mga pasilidad pero hindi ito dahilan upang hindi tanggapin ang mga nangangailangan ng agarang tulong medikal,” ani Go.

Naunan nang naiulat na isang buntis na babae sa Caloocan City ang pumanaw matapos tanggihan ng anim na opsital na kanilang pinuntahan kung saan isa sa kanila ang humingi na deposit payment.

“Lagi kong inuulit na hindi maaaring tanggihan ng mga ospital ang sinumang pasyenteng lalapit sa kanila, lalong lalo na ang mga nangangailangan agad ng emergency care. Isa itong paglabag sa batas,” ani Go.

Batay sa Republic Act No. 10932 o Anti-Hospital Deposit law, mahigpit na pinagbabawal sa mga ospital o clinic na tanggihan o di kaya’t hindi pagbibigay ng medical treatment at support sa kanilang mga pasyente.

“May batas tayo na naglalatag kung ano ang dapat gawin ng mga ospital. Mandato ninyo na sagipin ang buhay ng bawat taong hihingi sa inyo ng tulong,” sabi nito.

Ang mga mga hospital staff pati na rin ang pamunuan nito na lalabag sa batas na ito ay mahaharap sa apat hanggang anim na taong pagkabilanggo at multang P500,000 hanggang P1,000,000.

“May parusa tayo para sa mga hospital staff involved at pati na rin sa administration nito kapag nilabag nila ang batas,” sabi pa ni Go.