Mga paandar laban sa China

Milky Rigonan

Finally may matapang na posisyon na si Pa­ngulong Rodrigo Duterte laban sa China.

Banta ng Pangulo, “Let us be friends, but do not touch Pag-asa Island and the rest. If you make moves there, that’s a different story. I will tell my soldiers, “Prepare for suicide mission”.

Ang warning ni Pangulong Duterte ay kasabay ng isinampang diplomatic protest ng Department of Foreign Affairs laban sa China dahil sa pananatili ng mahigit dalawandaang Chinese vessel sa Pag-asa island.

Sa totoo lang hindi na mabilang ang mga isinampang diplomatic protest ng DFA pero sa kabila nito, paulit-ulit lang ang pambu-bully ng China.

Ito rin ang dahilan kaya iginigiit ng ilang sektor na isapubliko ang nilalaman ng mga diplomatic protest laban sa China dahil baka mahina ang posisyon ng DFA kaya nauulit lang ang mga paglabag.

Malalaman din kung mas epektibo ang diplomatic protest ng DFA ngayon at nag-warning na ang Pangulo.

Bukod sa West Philippine Sea, nirereklamo din ang pagdagsa ng mara­ming illegal Chinese worker sa bansa.

Giniit ni Senador Nancy Binay na ipatupad ang total ban ng mga Chinese construction worker dahil naaagawan ng opportunity ang mga Pinoy worker.

Pero bago maipatupad ang total ban ng mga Chinese construction worker, dapat marepaso muna ang mga loan agreement ng gobyerno sa naturang bansa.

Batay sa mga report, ilan sa mga kundisyon ng loan agreement, China ang kukuha ng kanilang manggagawa.

Karamihan sa mga proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build program ng Duterte admi­nistration ay popondohan ng China kaya bago pa man makaporma ang mga manggagawang Pinoy, mas priority ang mga Chinese construction worker.

Sa panig ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, dapat papanagutin din ang DOLE at Bureau of Immigration sa pagdagsa ng mga illegal Chinese worker sa bansa.

Kailangan anya maimbestigahan ang pagiging maluwag ng DOLE sa pag-i-isyu ng alien employment permit at special work permit ng Bureau of Immigration.

Sa modus, nagpupunta sa Pilipinas bilang turista ang naturang mga Chinese national at kapag naririto na, mabilis na nakakakuha ng mga kaukulang permit mula sa DOLE at BI.

Walang masama sa pakikipagkaibigan sa China. Pero ang mga pinakikitang pambu-bully at paulit-ulit na pagbalewala sa mga panawagan ng ating gobyerno ay kawalan ng respeto na hindi ginagawa ng isang kaibigan.

Hindi rin dapat tanawin na utang na loob ang pagpo-pondo ng China sa mga infrastructure project ng gobyerno sa ilalim ng Build, Build, Build program dahil bandang huli, babayaran din ito ng taongbayan sa pamamagitan ng buwis.

Sana hindi lang puro salita, kundi may aksiyon din ang mga paandar ng gobyerno laban sa kaibigan daw natin.