Mga panatiko ng Chery dadagsa sa San Juan

volleyball-player

Mga laro ngayon:
(FilOil Flying V Centre)
3:00 pm – Marinerang Pilipina vs Sta. Lucia
5:00 pm – Chery Tiggo vs Petron
7:00 pm – F2 Logistics vs Cignal

Atat na ang mga panatiko ng Chery Tiggo na muling mapapanood na pumalo ng bola ang Crossovers sa pagpapatuloy ngayon ng 8th Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix 2020 eliminations sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Ayon kay Jennifer Goravilla, nais niyang mapanood uli ang Crossovers dahil makakalaban nito ang isa sa tigasing team na Petron na kakartada nila sa 1-0 sa women’s indoor volleyfest na ito.

“Sarap manood nito, kahit bagong team lang ang Chery sigurado mapapahirapan ang Petron,” komento ni Goravilla na malapit sa playing venue sa nasabing lungsod.

Unahan sa dalawang panalo ang Petron Lady Blazers at bagong team na Chery Tiggo Croosovers pagharap nila sa alas-singko nang hapon sa Day 3 ng event.
Galing sa panalo ang Chery, pinayuko nitong Martes ang Marinerang Pilipina sa Strike Gym sa Bacoor, 25-20, 27-29, 25-21, 25-21.

Sinandalan ng Crossovers si import Tatjana Bokan na nagtala ng 33 marker.
Kaya naman masaya si Aaron Velez dahil sa nakuhang puwersa sa Montengron spiker na beterana na rin ng mga liga sa Japan, China, Serbia, Italy, France, Azerbaijan, Indonesia at Hungary.

“For me she’s really a blessing for us and it’s not hard for us to converse with us and she’s really a fighter,” anang Chery coach.

Subalit inamin niya na kailangan pa na ma-improve ang performance ng kanyang mga bataan.

“It shows na kailangan pa namin ipulido iyong chemistry namin kasi dahil iba-iba kami ng sistema. Ngayon pa lang ina-adapt ng players ako as a coach,” panapos ni Velez.

Bukod sa kanilang hugot, kakapitan din ng Crossovers sina Mylene Paat, Shaya Adorador at Rachel Austero.

Sinaktan ng Lady Blaze Spikers ang Generika-Ayala Lifesavers sa pagbubukas ng liga sa nakalipas na Sabado, 25-22, 25-22, 25-21. (Elech Dawa)