Mas paiigtingin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kampanya nito kontra iligal na droga ngayong Kapaskuhan kung saan inaasahan umano ang posibleng pagtaas ng konsumo sa party drugs.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, malaki ang posibilidad na muling papatok ang bentahan ng iligal na droga ngayong Kapaskuhan dahil sa kabi-kabila na mga isinasagawang Christmas party.
Aniya, posibleng ang mga kabataan o mga sinasabing millennials ay magdaos ng kanilang Christmas party na may sangkap na ihahain sa kanilang handaan gaya ng party drugs.
Dahil dito, inatasan ni Aquino ang kanyang mga opisyal sa lahat ng rehiyon na tutukan ang mga ‘rave party’ o magdamagang sayawan, inuman at kantahan lalo na ng mga kabataan.
Mag-iikot din aniya ang mga operatiba ng PDEA sa mga establisimiyento sa Metro Manila katulad ng mga high-end bar, hotel, condominium, mga restaurant at mga eksklusibong subdibisyon kung saan posibleng gumamit ng party drugs na gaya ng ecstasy at kush sa mga Christmas party.