Dahil sa nalalapit na Kapaskuhan at Bagong Taon, patuloy ang pagdagsa ng mga pasahero sa Araneta City Bus Station at ‘fully booked’ na mula December 20 hanggang 28 ang ilang biyahe sa iba’t ibang lalawigan.
Sa ilang bus terminals sa EDSA Cubao, bukod sa Bicol ay ‘fully booked’ na rin ang mga biyahe patungong Camarines Norte at Baguio hanggang December 24, kaya naman pahirapan nang sumakay at ang iba ay nakaantabay bilang ‘chance passenger’.
Sa lungsod naman ng Pasay, simula nu’ng nakaraang linggo ay dagsa na rin ang mga mananakay.
Ayon sa Pasay City Police, naging maayos naman ang pagsakay ng mga libo-libong pasahero sa mga bus terminal kung saan sinabi ni Police Col.
Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, na ang 11 bus terminal sa kanilang lungsod ay bantay sarado at kanilang inaalalayan ang mga pasahero.
Samantala, maging ang bus terminal sa Sampaloc, Maynila ay fully book na hanggang sa Disyembre 24.
Nabatid na sa Florida Bus sa Sampaloc, Maynila ay may nakapaskil na sa mga ticketing booth na karatulang nagsasabing wala nang bakante ang mga biyahe ngayong Sabado hanggang sa mga susunod na araw.
Sa Victory Liner terminal naman sa Maynila, fully-booked na rin ang mga biyahe pa-Tuguegarao, San Mateo, Santiago, Roxas, at Ilagan hanggang bisperas ng Pasko.
“Go with your plans. This is Christmas, minsan lang sa isang taon ito.
Enjoy the festivities. Ang sa akin na lang, if you will be driving, please extend your patience. Magbaon ng konting pasensya. Plan your travel well,” saad naman sa isang panayam kay Bong Nebrija, EDSA Traffic chief ng MMDA.
Inanunsiyo rin na ‘lifted’ ang number coding para sa provincial buses sa December 23, 24, 26, 27, 31 hanggang January 2, 2020. (Dolly Cabreza/Juliet de Loza-Cudia/Armida Rico)