Masakit sa aking kalooban na kinailangan kong iatas ang masusing imbestigasyon at pagsasampa ng kaso sa ilang barangay chairman, sa panahon kung kelan inaasahan kong sila ay magiging kaagapay ng pamahalaang lungsod sa pagtalima sa tungkulin at pagbuhos ng isip, panahon at pagod sa pag-iisip ng mga kaparaanan upang maalagaan ang mga taga-Maynila.
Bagama’t 46 lamang mula sa kabuuang 896 kapitan ng barangay ang iniimbestigahan, para kasi sa akin, maski isa lamang ay hindi katanggap-tanggap, lalo pa’t sa gitna ng sitwasyon kung kailan lahat ay nangangailangan ng lahat ng uri ng tulong mula sa gobyerno at lalo na kung ang agrabyado ay nabibilang sa pinakamahihirap na bahagi ng komunidad.
Bago matapos ang linggo, ang nasabing 46 barangay chairman mula sa iba’t ibang distrito ng Maynila ay binigyan ng pamahalaang lokal ng show cause orders upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat na maharap sa administrative at criminal na kaso, matapos silang ireklamo ng mga residente dahil sa mga kasumpa-sumpang iregularidad na kanilang kinasangkutan na `di dapat gawin ng matinong public official.
Ayon sa isang reklamo, may barangay chairman na isinama ang matagal nang patay sa listahan ng mga dapat makatanggap ng ayuda mula sa City Hall. May pirma pa ito na natanggap niya ang naturang ayuda.
May mga nagreklammo naman na sa halip na spaghetti at sauce, ang ibinigay sa kanila ay instant noodles o ‘mami’ o kaya ay isang lata ng sardinas, habang ang iba ay walang natanggap na kahit ano.
Isang barangay chairman naman ang iniulat na ‘recycling’ ang ginagawa. Babawasan ang mga produktong bigay ng pamahalaang lokal at ito ay iiimbak sa barangay hall. Kapag lumabas na ang budget ng barangay, ang gagawin ng walang kahihiyang chairman ay palalabasin na ang pera ay kanyang pinambili ng mga produktong pamigay sa mga residente pero ang kanyang ipamimigay ay ‘yung mga ibinawas niya sa ayuda ng City Hall at inimbak sa barangay hall.
May mga senior citizen namang nagreklamo na hindi sila nakatanggap ng P1,500 financial aid o lata ng gatas o pareho, kung saan idinadahilan umano ng chairman na mayaman naman sila o kaya ay `di pa dumarating ang mga nasabing benepisyo, bagamat ang mga ito ay nasa kani-kaniyang barangay na.
May mga nagsabi naman na hindi sila binigyan ng kanilang punong barangay ng P1,000 na CACAF (City Amelioration Crisis Assistance Fund) bagamat ang kanilang pangalan ay nasa listahang ibinigay sa amin ng mismong barangay chairman nila.
`Di ko na mabilang kung ilang beses akong nakiusap, nanawagan, umapela at halos magmakaawa sa mga punong barangay na tiyaking lahat ay makakakuha ng nararapat para sa kanila, batay sa inilaan ng pamahalaang lokal.
Hindi nila maaaring palitan, baguhin, bawasan o `di bigyan ang sinomang residente, lalo na kung ang kanyang pangalan ay nakatala sa listahang ibinigay sa aking tanggapan, dahil pinaglaanan na namin ang lahat ng nasa listahan.
Sa katunayan, alam ng mga barangay chairman sa kanilang kalooban na ni hindi ko kinuwestiyon o pinag-abalahang beripikahin ang mga listahang ibinigay nila.
Matapos ang unang pamimigay ng CACAF, umapela ang mga punong barangay ng ‘reconsideration’ at nagbigay ng dagdag na lista na atin namang inaprubahan kaagad at pinaglaanan ng pondo.
Buong tiwala ang aking ibinigay sa mga punong barangay dahil para sa akin, sila ay mga kaagapay namin sa mabuting paggo-gobyerno at umaasa rin sana kami na itatabi nila ang mga ‘political differences’ habang ang lungsod ay nahaharap sa malaking krisis at ang mga taga-Maynila ay umaasa sa pamahalaang lokal at mga opisyal ng barangay para sa kaukulang tulong at pagkalinga.
Sa mga sumunod na pamimigay namin ng food packs, ipinasya naming dalhin ang mga relief goods sa mga barangay para sila na ang mag-repack upang mapabilis ang pamimigay sa mga residente, na siya namang nangyari. Sa loob lamang ng anim na araw ay 607,586 pamilya ang nakatanggap ng food packs, isang patunay na kung maayos at sinserong tumulong ang isang barangay chairman, mas maraming magagawa at maaabot na nangangailangan.
Gayunman, tinitiyak ko na ‘yung mga nagsamantala sa kahinaan ng mahihirap na mamamayan ng Maynila ay mananagot sa kanilang ginawa, upang magsilbing leksyon sa kanila at babala naman sa iba na huwag silang gayahin.
Ang mga punong barangay na ginampanan nang maayos ang kanilang tungkulin ay `di dapat mangamba. Sa katunayan, sila ay aming sinasaluduhan at pinasasalamatan. Nakakalungkot lamang na may mga kasama silang dinudungisan ang imahe ng barangayan.
Bukod sa dalawang food box, namigay din ang City Hall ng iba pang ayuda gaya ng P1,000 CACAF kada pamilya; P1,500 at lata ng gatas kada senior citizen gayundin ng financial assistance para sa persons with disability, solo parents at mga mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at Universidad de Manila. Maging ang mga estudyanteng na-stranded, bagama’t `di taga-Maynila, ay ating binigyan ng tig-P1,000.
Nagpapasalamat ako sa mga naglakas-loob na magreklamo at nagbigay ng impormasyon sa aming tanggapan ukol sa mga anomalyang nabanggit na talaga namang nakalulungkot na kinailangan pang mangyari sa panahong nahaharap ang ating lungsod at buong mundo sa ganitong uri ng problema.
***
Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. Manila, God first!
***
Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso’.