Aarestuhin ng Philippine National Police (PNP) ang mga taong hindi susunod sa social distancing sa mga palengke upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (CIVID-19).
Ito ang babala kahapon ni PNP Spokesperson Police Brig. General Bernard Banac. Ang mga hindi susunod sa social distancing sa mga palengke at mga pampublikong lugar ay maaring sampahan ng kaso dahil sa paglabag ng Bayanihan to Heal as One Act.
“May ganoong kautusan. Kung talagang hindi susunod at magmamatigas, hindi pa rin tayo mangingimi na hulihin at dalhin sa presinto ang sinumang lalabag pero hanggang maaari, huwag nang umabot sa ganon. Ito naman ay para sa kabutihan ng bawat isa,” pahayag ni Banac sa isang panayam sa TV.
Lahat aniya ng matigas ang ulo at hindi susunod sa mga ipinatutupad na guidelines ay maaaring arestuhin.
Tatlong team ng mga pulis ang ipakakalat sa mga palengke para masiguro na kontrolado ang pagpasok ng mga tao.
Sa malalaking palengke sa Metro Manila ay mayroong nasa 500 pulis ang naatasang magbantay ng sitwasyon sa paligid katuwang ang mga barangay tanod.
Nauna ng ipinag-utos ni Joint Task Force COVID Shield commander Lt. General Guillermo Eleazar sa pulisya at mga barangay tanod ang mahigpit na implimentasyon ng social distancing at iba pang public healty safety measures sa kani-kanilang lugar matapos maglabasan sa mga social media post
Dahil sa panibagong kautusan, sinabi ni Eleazar na naglagay na sila ng mga pulis at mga barangay tanod na iikot sa loob ng mga palengke na ang hangarin ay malimitahan at hindi magsabay-sabay ang mga taong papasok sa loob ng pamilihan at mapanatili ang social distancing.(Edwin Balasa)