Mga pasaway sa parking

Mukhang marami pa rin tayong kababayan ang hindi nakakaunawa sa mga karatula lalo na sa parkingan.

Hanggang ngayon kasi ay dedma sa ilang motorist ang mga slots na para sa me kapansanan o persons with disabilities.

Hindi ba’t inilalagay ang mga ito para sa kanila sa pagsunod na din sa batas na nakapaloob sa Magna Carta ng mga taong may kapansanan.

Ngunit bakit parang balewala sa ibang tao ang pagsunod sa mga bagay na ito kagaya na lamang ang simpleng parking slot na para sa kanila ay tahasang ginagamit at hindi sinusunod ng mga taong wala namang kapansanan.

Ilang beses na akong personal na nakakasaksi ng paggamit ng wala namang diperensya sa kanilang katawan ang gumagamit nito at ang masama pa ay pinapayagan lamang ng ilang nagbabantay at pagpayag sa paggamit nito.

May ilan din akong mga nakausap na nangyayari sa kanila ang ganitong insidente na minsan ay nagkakaroon ng problema sa mga parking slots para sa kanila lalo na noong nakaraang panahon ng kapaskuhan.

Wala silang maha­nap na parking slot para sa kanila at nabanggit pa nila na ang pinakamasakit nilang nasasaksihan ay ang pumaparada ay wala namang problema sa kanyang katawan.

Ang tahasang paglabag dito ay di lamang ang pagsuway sa batas kundi maituturing na ding isang ugaling di maganda ng isang tao na di susunod dito.

Ginawa ito para sa mas malayang paggalaw ng isang tao na me kapansanan ngunit bakit me mga taong di marunong mahiya na gumagamit nito na wala namang kapansanan sa kanyang katawan. Nakalagay sa batas ang isang barrier-free environment para sa kanila na ang ibig sabihin ay malayang paggalaw ng isang tao na me kapansanan sa publiko o pribado mang establishimento na mababasa sa BP 344 o Accessibility Law.

Isa pang nakikita din nila ang minsan kawalan ng respeto sa kanila ng iba.

Sana daw ay mapalawig ang batas na para sa kanila at mas maunawaan ng mga taong wala namang kapansanan na bagama’t gusto nilang mamuhay ng normal ay magkaroon naman daw ng suporta sa kanila para magawa nila ito sa pagsunod na lamang sa mga batas na nagpo protekta sa kanila.

Sana lang ay iwasan nating gumamit ng mga bagay na nakalaan para sa kanilang mas malayang paggalaw.