Nag-alok umano ng tulong kay Mayor Isko Moreno ang dalawang ahensiya na nasa ilalim ng Department of Tourism (DOT) para pasiglahin ang cultural heritage sa Maynila.

Nabatid na nitong Biyernes ay nakipagkita si Moreno sa mga opisyal ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) at Intramuros Administration (IA) sa Manila City Hall.

Sa pagpupulong ipinakita ng mga opisyal kay Moreno ang kanilang tourism development plan at pinag-usapan din kung papaano magtutulungan ang national at local government para muling buhayin ang mga pamanang kultura sa Maynila.
Tiniyak naman ni TIEZA chief operating officer Pocholo Paragas na maglalagay sila ng mga bagong tourist signage sa may 47 park sa Maynila gayundin sa lahat ng tourist destination sa nasabing lungsod.

Isinulong ni Paragas ang pagbuhay sa Children’s Park na nasa loob ng Rizal Park, sa tulong ng Manila City government para sa clearing ng property.

Gayundin ang planong rehabilitasyon ng higanteng relief map ng Pilipinas sa Rizal Park.

Kaugnay nito, sinabi naman ni IA Administrator Guiller Asido na kanilang aayusin ang Liwasang Bonifacio-Intramuros underpass sa darating na Setyembre.

Sa panig naman ni Paragas, sinabi nito na kanilang popondohan ang paglalagay ng pedestrian sa Intramuros at mga bagong ilaw sa lugar pero dapat munang alisin ang mga illegal settler sa bakuran ng Club Intramuros Golf Course.

Susuportahan rin ni Asido ang Manila City government sa pag-develop ng “tourism circuit” na mag-uugnay sa National Museum, Rizal Park, Binondo at iba pang heritage district sa siyudad.(Juliet deLoza-Cudia)