Mga pasyente agaw-buhay sa healthcare ng ‘Pinas – Duterte

Hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga bagong upong opisyal ng gobyerno na bisitahin ang ilang pampublikong ospital sa bansa para makita nila ng personal ang nakapanlulumong kalagayan ng mga pasyente.

Ipinahayag ito ng Pangulo sa kanyang talumpati sa panunumpa ng mga bagong appointed official na ginanap sa Malacañang noong Huwebes.

“Hamon ko lang ito sa inyo, hamon ko lang. Try to visit, yung mga ospital lalo na kung may contagion. Nasa sahig yan sila lahat,” anang Pangulo.
Maging ang mga emergency department aniya ng mga pampublikong ospital laging puno ng pasyente.

“Even sa emergency room dito, mag-ano kayo ng gabi. Yung ibang pasyente maghintay, they are lying there in the throes of death on the floor. Tingnan ninyong mabuti,” sabi ng Pangulo.

Samantala, hinimok ni Pangulong Duterte ang mga bagong opisyal ng gobyerno na maging mapagmatyag laban sa korapsyon at binalaan ang mga ito na sisibakin niya kapag nawalan siya ng tiwala.

Pinaalala pa ng Pangulo na ilang miyembro na ng gabinete ang kanyang sinibak dahil sa pagkakasangkot sa korapsyon kahit karamihan sa mga ito ay sumuporta sa kanyang pagtakbo noong alkalde pa siya sa Davao City. (Aileen Taliping/Prince Golez)