Mga pautang ng China bubusisiin ng Senado

Magpapatawag si Senador Sherwin Gatcha­lian ng panibagong pagdinig para busisiin ang mga kontrata ng pag-utang ng gobyerno sa China.

Sinabi ni Gatcha­lian, chairman ng Se­nate committee on economic affairs, na upang maipakita sa publiko ang laman ng kontrata at mga rekomendasyon dito ay magsasagawa sila ng panibagong pagdinig.

“Pinag-aralan po namin ang contract at magpapatawag pa kami ng isa pang hearing para maisapubliko ang mga nakita natin sa contracts,” saad ni Gatchalian.

Ikinatuwa ng senador ang naging aksyon ng Department of Finance (DOF) nang i-upload agad sa kanilang website ang mga kontrata matapos siyang manawagan ng transparency sa gitna ng mga pangamba na mabaon ang bansa sa debt trap ng China.

“In fairness sa DOF, after 3 days in-upload nila loan docs, kaya napag-aralan natin,” dagdag ni Gatchalian.

Kasabay nito, isusulong din aniya nila ang ilang pag-amyenda sa batas hinggil sa mga pautang para sa mga imprastraktura upang matiyak ang proteksyon sa mga manggagawang Pi­lipino. (Dang Samson-Garcia)