Mga pinagkakakitaang illegal parking sa Metro Manila

For the Record by Aileen Taliping

Nakakataas ng presyon ang kabi-kabilang ­illegal parking sa halos lahat ng mga kalsada at side streets sa Metro ­Manila dahil sa kapaba­yaan ng mga lokal na opisyal at kakapalan na rin ng mukha ng mga tsuper at maging pribadong ­motorista.

Sumasakit ang ulo ng mga taga-Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil kahit araw-arawin ang clearing operations ay bumabalik ang mga pa­saway na tila ba wala nang gobyerno at sila ang nasusunod.

Ang iba naman, pinagkukuwartahan na lamang ang iligal na pagparada kaysa makunsumi at wala namang mahita.

Tulad na lamang ng mga nakaparadang provincial buses sa ­Plaza Lacson sa Lungsod ng Maynila na nagiging ugat ng araw-araw na traffic at walang nangangahas sumita dahil nagbaba­yad diumano sila ng libo-­libong piso kada buwan sa isang opisyal sa ­Manila City Hall.

Mas mahalaga pa pala ang kinikita ng mga opisyal na ito sa illegal parking kaysa ang kapakanan ng mga ordinaryong taxpayers na napeperwisyo sa traffic araw-araw dahil sa mga kinukunsinting mga bus na ito.

Bagama’t kumikilos naman ang MMDA ay hindi kayang mapatino ang mga pasaway na tsuper o motorista dahil kalimitan ay dinadaan sa yabang o kaya paninindak lalo na kapag may posisyon sa gobyerno ang mga ito.

Kahit pa paulit-ulit at araw-araw na kukulitin ni Gen. Danny Lim ay hindi magtitino ang mga tsuper at pribadong motorista dahil tila nasa kultura na ng mga Filipino ang pagiging pasaway at makapal ang mukha.

Pero sana ay ituloy ng MMDA ang pagsasampa ng kaso sa mga tamad at walang silbing barangay chairmen na hindi ka­yang linisin at ayusin ang kanilang lugar sa illegal parking.

May standing order si Pangulong Rodrigo Duterte sa chairman ng MMDA na kasuhan sa Ombudsman ang ka­pitan ng barangay na hindi kayang ayusin ang nasasakupan lalo na sa illegal parking.

Marami kasing Filipino ang malakas ang loob na bumili ng sasakyan pero wala namang garahe at ginagawang extension ng bahay ang kalsada.

Kahit paulit-ulit mag-clearing operations sa mga barangay, babalik din sa dati makalipas lang ang isang araw dahil inu­til at walang b***g ang mga opisyal ng barangay!

Huwag nang hintayin pang si Presidente mismo ang mag-ikot at magpa­alis sa mga sasakyang iligal na nakaparada dahil baka mapahiya lang kayo at mawalan ng trabaho.