Inamin ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., na mahaharap sa pagbusisi at posibleng harassment ang mga Pilipino sa abroad dahil sa humina ang kredibilidad ng Philippine passport bunsod ng nabuking na data breach.

“When you are lax in entering into contracts regarding passports you compromise the credibility of PH passports world over. Then we are harassed abroad,” babala ni Locsin.

Sagot ito ng kalihim sa pa­ngamba ng isang Pinoy na nasa abroad na posibleng maapektuhan ang kanyang immigration status dahil sa passport scandal sa Pilipinas.

“With all these brouhaha, it would help to understand the impact to passport holders. Will I be affected at all? What risk I am exposed to? Clarification would be very much appreciated,” ayon sa post ng isang Ka Pule@c4lidor3.

Nauna rito ay isiniwalat ni Locsin na isang napunding contractor ang itinakbo ang passport database kaya’t ­hirap ngayon ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pag-iipon ng data ng mga aplikante ng pasaporte. Ang mga nagre-renew ng pasaporte na hawak ang lumang green at brown passport ay kailangan pang magsumite ng birth certificate na sertipikado ng National Statistics Office (NSO).

Kaugnay nito, sinabi naman nina Senador Panfilo ­Lacson, Bayan Muna Chairman Neri Colmenares at Rep. Carlos Isagani Zarate na naiwasan sana ang nakawan ng mga datos kung hindi pinaubaya sa pribadong kompanya ang ­paglilimbag ng pasaporte.

Ayon kay Lacson, tulad ng DFA, ang Land Transportation Office (LTO) ay pumasok din sa kontrata sa pribadong kompanya kaya’t mahalaga na may terms and conditions sa mga kontrata upang maprotekta­han ang interes ng sambayanan.

Sinisisi din nina Colmenares at Zarate ang pagpapa-subcontract sa pag-imprenta ng pasaporte kaya’t nanakaw ng dating contractor ang mga datos.

Hindi anila magkakaproblema kung ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) o ang ­National Printing Office (NPO) ang nag-imprenta ng mga ­pasaporte.

“Ito kasi ang hirap kapag ­sina-sub-contract sa mga private corporations ang mahahalagang gawain na gobyerno lang dapat ang gumagawa. Ngayon ay nasa panganib ng identity theft ang mga kababayan nating nakuhanan ng kanilang personal data,” paghahayag ni Colmenares.

Matatandaan na si Rep. Zarate ang nag-akda ng House Resolution 1608 para maimbestigahan ng Kamara ang diumano’y mga ano­malya sa pasaporte sa ilalim ng DFA kasunod ng joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng United Graphic Expression Corporation (UGEC) at APO Production Unit Inc., na inatasan ng pamahalaan na mag-imprenta ng mga pasaporte.

Salig sa JVA ang UGEC ay binigyan ng trabaho para sa paglilimbag ng 3.4 milyong pasaporte kada taon.

Hindi na umano gumamit ng abaca component para sa security paper ng pasaporte.

Naubusan na rin umano ng supply ng papel ang UGEC kaya bumagal ang produksyon ng mga pasaporte.

Umaabot lamang sa 1,946,703 ang nagawang pasaporte noong Marso 2017.