Magkakaroon ng bihirang pagkakataon ang mga batang Pinoy basketball player na makasabak sa prestihiyosong Amateur Athletic Union (AAU) World Championships sa Hulyo 2020 sa Disneyworld sa Florida, USA.
Ang “The Road to AAU 2020 3X3 Challenge” na itinataguyod ng 1Hermes Sports, Wilson at suportado ng Philippine Sports Commission bilang parte ng pambansa nitong grassroots sports development program, ay binubuo ng serye ng mga regional tournament na isasagawa sa first quarter ng 2020.
Ang mga koponan ay binubuo ng apat na player at isang coach.
Ang tatanghaling kampeon at madidiskubre na mga standout ay bibigyan ng all-expense paid trip sa National Selection Camp sa Metro Manila sa Marso na isasagawa ni multi-titled coach Joe Silva.
Ang age categories ay 19-Under para sa isinilang sa 2001-2003 at 16-Under para sa 2004-2007. Bawat koponan ay kailangang mag-register online via Pilipinas AAU Facebook Page.
Isasagawa ang mga pocket qualifier sa City of Ilagan (January 15-31), Passi (February 1-2) at Ormoc (February 8-9). (Lito Oredo)