Mga Pinoy drug courier tablado kay Duterte

Walang aasahang tulong mula sa gobyerno ang mga overseas Filipino worker (OFW) na gagawa ng mabigat na krimen sa ibang bansa lalo na ang may kinalaman sa iligal na droga.

Ito ang ibinabala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga OFW sa kanyang pagdalo sa 1st Liga ng mga Barangay sa Pasay City kamakalawa nang gabi.

Bagama’t obligasyon ng gobyerno na tulungan ang mga Pilipinong na­ngangailangan ng tulong sa ibang bansa, ibang usapan na kapag ito ay may kinalaman sa iligal na droga.

“Do not commit the — committing crimes, your crimes in other countries. I cannot help you and I won’t help you. ‘Yan tandaan ninyo ‘yan. For every­body,” anang Pangulo.

Nilinaw naman ni Pre­sidential Spokesman Salvador Panelo na ang nais ipahiwatig ng Pa­ngulo ay hindi tutulu­ngan ng gobyerno ang mga OFW na sangkot sa illegal drugs lalo na ang nagsisilbing drug courier at drug mules.

Ang tangi lamang aniyang maibibigay ng gobyerno sa pamamagitan ng embahada ay bigyan ang nagkasalang OFW ng abogado para magtanggol sa kanya sa korte.

“What he means by that is he cannot be vio­lating the laws of othe­r countries, just like his position that you cannot violate our laws. Now, if Filipinos will be engaged in drug trafficking, he will not lift a hand in the sense that he would be traveling there and as­king the President for a pardon. What we can do is just to provide lawyers from them,” ani Panelo.

Matigas aniya ang Pangulo sa mga nasasangkot sa iligal na droga dahil labag ito sa kanyang polisiya at paninindigan.

Matatandaang hindi pinagbigyan ng Pangulo ang kahilingan ng Pinay death convict na si Mary Jane Veloso sa Indonesia na mamagitan siya para mapagaan ang parusang bitay nito matapos mahuli ng mga awtoridad na may bitbit na iligal na droga.