Nagtiyagang tumutok ang milyon-­milyong Pinoy basketball fans sa kanilang mga telebisyon mapanood lamang ang laban kagabi ng Gilas Pilipinas kontra Qatar sa 2019 FIBA World Cup Qualifiers sa Big Dome.

Ito ay dahil closed-door ang bakbakan kagabi na pinagwagian ng Gilas 92-81 bilang bahagi pa rin ng parusa ng FIBA sa Pilipinas nang masangkot sa rambulan kontra Australia Boomers noong Hulyo 2 sa Philippine Arena.

Ang itinuturong dahilan ng mga fan ay ang pagsulsol umano ng nasibak na Gilas coach na si Chot Reyes sa kanyang mga player na ‘makipagsapakan’ sa mga Australyano.

“Sayang, mas masarap sana panoorin nang live ang game. Puro kasi kayabangangan yang si Chot (Reyes), ang dami tuloy nag-suffer dahil sa kanya,” sey ng Gilas Pilipinas fanatic na si Jhay-Ar Perez.

Ang isa pang fan ng Gilas na si Oliver Macatangay, pareho ang sentemyento ng libo-libo sanang nakapanood nang live sa bakbakan ng Pilipinas at Qatar. “Siguro kung hindi lang sinulsulan ni Chot (Reyes) ang mga player niya, walang riot, marami sanang Pinoy ang nakapanood nang live,” ayon dito.