Mga Pinoy handa na ba sa pagbabalik ng death penalty?

For the Record by Aileen Taliping

Muling uminit ang panawagang ibalik ang death penalty sa bansa dahil sa kabi-kabilang pagpatay ng mga riding-in-tandem at mga krimeng kagagawan ng mga salot sa lipunan na nasa impluwensiya ng iligal na droga.

Bagama’t may ilang mambabatas na matamlay sa pa­nawagang ibalik ang parusang kamatayan, hindi naman natitinag si Pangulong Rodrigo Duterte sa hangaring maipatupad muli ang capital punishment para sa mga drug lord.

Kung tutuusin, ilan sa mga naganap na krimen ay konektado sa mga illegal drug kaya gano’n na lamang ang kasidhi at kagustuhan ng Pangulo na maibalik ang death penalty.

Taong 2006 nang ipatigil ang death pe­nalty matapos i-repeal ang Republic Act 7659 o ang Death Penalty Law, at pirmahan ni dating Pangulong Gloria Arroyo ang Republic Act 9346 na nagbabawal sa pagpapatupad ng death penalty sa bansa.

Kakampi ng Pa­ngulo ang grupong Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) para maibalik ang parusang kamatayan dahil batid ng mga miyembro ng grupo kung paano mawalan ng mahal sa buhay dahil sa karahasan.

Halos araw-araw ay may naibabalitang pinatay o nilikida ng mga hindi nakikilalang salarin at kahit nakunan sa CCTV ay wala namang kakayahang mahuli agad ang mga ito ng mga awtoridad.

Sa loob ng 12 taon, ilang karumal-dumal na krimen na ang nakatala sa record ng pulisya at ilang kasong nakasampa na sa korte ang hindi naman nalutas o nabigyan ng katarungan ang mga biktima.

Ayon sa VACC, dapat gawing ‘madugo’ ang death penalty para matakot ang mga kriminal. Pero tiyak na kokontra ang ibang grupo at simbahan at igigiit na kasalanan ang pumatay.

Saksi ako nang bitayin sa pamamagitan ng lethal injection sa New Bilibid Prison si Pablito Andam, isang convicted rapist mula sa Bulacan subalit ang epekto ng parusang bitay ay sansaglit lang. Hindi gaanong naihatid ang mensahe sa publiko dahil siguro sa mahinang sistema.

Kung sakaling makalusot sa Kongreso ang muling pagbuhay sa death penalty, nais ng Pangulo na unahin ang mga drug lord, na sinang-ayunan ni bagong Senate President Vicente Sotto III.

Ang kailangan lamang ay political will at ipakita sa publiko na kamatayan ang sasapitin ng mga ayaw paawat sa illegal drug trade.

Ang sabi nga ng Pa­ngulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong nakalipas na taon, “It is really an eye for an eye, a tooth for a tooth. You took a life, you must pay it with a life.”

Kung pagbabatayan ang survey ng Social Weather Stations, anim sa sampung Filipino ay pabor na ibalik ang death penalty para mabawasan o kung hindi man ay matigil na ang mga walang pakundangang pagpatay sa mga inosenteng mamamayan.

Nakalusot na sa third at final reading ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas para ibalik ang death penalty subalit kaila­ngan pa itong talakayin at pagdebatehan sa committee level ng Senado.