Mga Pinoy handang magsakripisyo para ligtas sa COVID

Nakahanda ang maraming Pilipino na isakripisyo ang kanilang karapatan para lamang mapigil ang paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ito ang lumabas sa survey ng Gallup International Association kasama ang local counterpart na Philippine Survey and Research Center Inc. kaugnay sa pagtugon ng administrasyong Duterte sa krisis na hatid ng COVID-19.

Ikinatuwa naman ng Malacañang ang magandang resulta ng survey at nagpahayag ng pasasalamat sa mga Pilipino.

Batay sa survey, 80% ng mga Pilipino ay naniniwalang maganda ang pagharap at mga ipinapatupad na hakbang ng gobyerno laban sa COVID-19 para mapigilan ang mas lalo pang pagkalat ng kontaminasyon sa mamamayan.

“Nagpapasalamat ang Pangulo dahil 80% ng lahat ng Pilipino ay may opinyon na maganda naman ang paghawak ng gobyerno dito sa isyu ng COVID-19,” ani Roque.

Ipinakita rin sa survey ng Gallup International na 86% ng mga Pinoy ay handang magsakripisyo ng kanilang karapatan para mapigil ang paglaganap ng COVID-19, partikular dito ang mga paghihigpit na ipinatutupad ng gobyerno sa ilalim ng enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Gayonman, sinabi ni Roque na 88% ng mga na-survey ay nangangamba na baka sila ay magkasakit, kasama ang kanilang pamilya at maranasan ang bagsik ng COVID-19.

“88% ang nagsasabi na sila ay natatakot na sila mismo o kaya mga kaanak ay baka magkasakit ng COVID-19,” dagdag ni Roque.

Pero tinitiyak ng kalihim na ano man ang magiging desisyon ni Pangulong Duterte sa ECQ ay tiyak na naaayon ito sa kapakanan at kaligtasan ng taongbayan.

“Asahan niyo po na kung ano man ang maging desisyon ng Presidente ay tutugunan niya ang pangamba na baka tayo ay magkasakit, naiintindihan niya na napakahirap ng ECQ at gagawin niya ang pinakamainam para sa sambayanang Pilipinas,” wika pa ni Roque. (Aileen Taliping)