Mga Pinoy pilgrim bawal muna sa Saudi

Bawal muna sa Saudi Arabia ang mga pilgrim habang patuloy ang banta ng coronavirus disease 2019 o ­COVID-19 sa buong mundo.

Sa Laging Handa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Eduardo Meñez na naglabas ng anunsiyo ang gobyerno ng Saudi Arabia na hindi nila papapasukin sa kanilang bansa ang Umrah pilgrim dahil sa COVID-19.

Hindi rin muna aniya mag-iisyu ng visa ang Saudi Arabia para sa mga tu­ristang nagmula sa mga bansang mayroong kaso ng COVID-19.

Inaalam na aniya nila ang report na ilang overseas Filipino worker (OFW) ang hindi pinayagang makapasok sa Dammam, at pinabalik ang mga ito sa Pilipinas.

Sinabi ng opisyal na nais ng gobyerno na malaman kung ano ang mga pinaiiral na polisiya ngayon ng Saudi Arabia sa harap ng mainit na usapin sa COVID-19 para maging malinaw at hindi makompromiso ang trabaho ng mga manggagawang Pinoy.

Samantala, nilinaw ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Cacdac na walang ipinatutupad na ban sa re-entry ng mga OFW sa Saudi Arabia.

Aniya, tanging ang mga foreign pilgrims lamang ang pinagbawalang makapasok sa Saudi Arabia limang buwan bago ang ginaganap na taunang Hajj pilgrimage. (Aileen Taliping/Armida Rico)