Mga Pinoy pinagbawalang mangisda ng China

Guwardiyado ngayon ang mga mangingisdang Pinoy dahil higit 3-buwan silang pagbabawalan ng China sa anumang aktibidad sa Paracel Islands at Panatag (Scarborough) Shoal sa South China Sea.

Mahigpit umanong ipatutupad ng China Coast Guard at ng Ministry of Agriculture and Rural Affairs ang summer fishing ban at ang crackdown sa lahat ng mga “iligal” na mangingisda at aktibidad doon.

Magtatagal ito mula Mayo 1 hanggang Agosto 16.

Sa mga nagdaang taon, ‘di tinatanggap ng Pilipinas at Vietnam ang nasabing patakaran ng China.

Ang ban, ayon sa China, ay para umano mapreserba ang mga isda at iba pang fishing stock sa kanilang katubigan.

Nabatid na isa ang China sa mga pinakamalaking pinagkukuhanan ng illegal, unregulated, at unreported fishing sa rehiyon, ayon sa 2019 IUU Fishing Index.

Hindi rin ito kasapi ng Southeast Asian Fisheries Development Centre, ang pangunahing intergovernmental organization sa Southeast Asia na layong maprotektahan ang mga katubigan at sustainable development.

Miyembro ng nasabing organisasyon ang Pilipinas at Vietnam. (SDC)