Nangunguna pa rin ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang ginugugol ang oras sa paggamit ng Internet at social media.
Sa “Digital 2020: Global Digital Overview” report ng We Are Social at Hootsuite na nilabas ngayong Biyernes, Enero 31, 2020, sinabing kada araw, siyam na oras at 45 minutong gumagamit ng Internet ang mga Pinoy na edad 16 hanggang 64.
Tatlong oras ang agwat nito sa worldwide average na 6:43 na paggamit ng Internet.
Sinundan ng South Africa (9:22) at Brazil (9:17) ang Pilipinas, habang ang Japan ang pinakaonting oras na ginugugol sa Internet: apat na oras at 22 minuto.
Top 1 din ang mga Pilipino sa paggamit ng social media, sa average time na tatlong oras at 53 minuto kada araw.
Sinundan ito ng Colombia (3:45) at Brazil (3:31). Samantala, nasa dulo pa rin ng listahan ang Japan, na gumugugol lamang ng average na 45 minuto para sa social media.
Samantala, pangalawa naman ang bansa sa gumagamit ng ad blockers (63%, worldwide average na 49%) at games consoles (1:33, worldwide average na 1:10).
Nanggaling ang mga datos sa Global Web Index. (Riley Cea)