Nagsama-sama sa unang pagkakataon ang komunidad ng mga Pilipinong nakabase sa Europe para sa kabataang Pinoy at kaibigang Europeo, bumuo pagkaraan ng sariling elite basketball tournament na nakatakdang ganapin sa Parma, Italy.
Ang torneo na pangungunahan ng Associazione Sportiva Manila at may basbas ng Embassy of the Philippines sa nasabing bansa at sisimulan sa Abril 14. May anim na asosasyon na bibitbitin ang pinakamahuhusay nilang mga manlalaro ang mga kakatawan sa bawat koponan.
Inorganisa ni Thonny Santiago katuwang ang Parma Ballers, magkakasama-sama sa ligang Pinoy ang Proudly Pinoy Milan ni Ever Cuerdo, ang Bologña Selection ni Erick Ivan Bolus, ang Zorient Pilipinas ng Third Stocker, ang Luxembourg/Belguim ni Manny Saldaña, ang Myckesole United UK ni Myckesole Mercado at ang MBR Rome ni Jojo Mecha.
Nagsama-sama ang mga organizer ng iba’t ibang liga na nilalahukan din ng mga Pinoy upang ipakita ang pagkakaisa para mabigyan ng tsansa ang mga kabataan at matuklasan ang kanilang angking mga galing.
Isa sa talento na nagmula sa ligang Pinoy sa Europa si Batang Gilas Pilipinas member Dalph Panopio na ilang beses nang nakasabak sa FIBA sanctioned tourney gaya sa Under 17 at U19 World Championships.