Mga Pinoy sinisi sa kasikatan ni Clarkson

Sa ikaapat na sunod na taon, inilalabas ng NBA ang sistema ng botohan para sa All-Star starters mula sa mga fan, media at players.

Sa ganitong paraan, nalalaman kung sino ang mga player na mara­ming nakukuhang boto mula sa kanilang mga fan kumpara sa kanilang mga NBA peer.

Natuklasan ng Hoopshype.com na 16 na player ang nakakuha ng mas maraming boto mula sa mga fan kesa sa mga player mula taong 2017.

Sa 16 na player na ito, dalawa lang ang nakapasok sa All-Star Game, sina Klay Thompson at Draymond Green ng Golden State Warriors.

Ang pinakamalaking dipirensiya sa botohan ng mga fan at ng mga player ay nangyari kay Jordan Clarkson, na hindi umano inaasahan.

Pang-anim si Clarkson sa fan voting taong 2017 pero pang-36 lang mula sa boto ng mga player.

Taong 2018, ika-11 si Clarkson sa fan voting at 33rd sa mga player, taong 2019 ay 14th siya sa fan voting at 43rd naman sa mga boto ng manlalaro.

Etong 2020, pang-14 ulit sa fan vo­ting si Clarkson pero pang-62 na sa mga boto ng player.

“I’m going to blame the Philippines for No. 1 here,” ayon sa tweet ng Hoopshype.com (@hoopshype).

Si Clarkson ang No. 1 sa pinakitang listahan ng Hoopshype at duda ng sports site, mga Pinoy ang karamihan sa mga fan na bumoto sa Fil-Am.