Mga Pinoy takot pa lumabas – Galvez

Naniniwala si National Task Force Against COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na hindi pa rin panatag ang mga Pilipino na lumabas ng kanilang tahanan dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Galvez, sa ngayon ay hindi pa mabigat ang daloy ng trapiko sa ilang ‘key convergence area’ tulad ng EDSA at Commonwealth Avenue sa kabila ng pagpapatupad ng general community quarantine sa Metro Manila.

“Nakikita natin na medyo talagang isa sa nakita nating obserbasyon ay nag-ikot tayo ang ating mga kababayan ay takot pa rin na lumabas,” pahayag ni Galvez sa Laging Handa press briefing.

“Nakikita natin na though sa Commonwealth may kaunting traffic pero nakikita naming normal ang mga key convergence areas, sa ngayon po umiikot pa rin ako sa EDSA, wala gaanong traffic at nakikita natin na normal ang mga sitwasyon,” aniya pa.

Sa ngayon ay pinapayagan na muli ang paglabas sa mga sasakyan kahit walang quarantine pass subalit limitado pa rin ang bilang ng mga public transportation sa Metro Manila. (Ray Mark Patriarca)