Mga player agent kontra magpropesyunal ang MPBL

Hindi maganda ang magkaroon ng dalawang propesyonal na liga sa basketball.

Ito ang naging pahayag ng apat sa limang players agent na nakapanayam ng Abante/Abante Tonite na tumanggi na pangalanan dahil na rin sa napakadelikado nilang posisyon bilang tagaha-nap ng mga koponan sa mga manlalaro na nagnanais na makapaglaro sa propesyonal na liga.

Ito ay matapos naman maungkat ang pagnanais ng Games and Amusements Board (GAB) na gawing propesyonal ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) na binuo ni Senador Manny Pacquaio at pinamamahalaan naman ni commissioner Kenneth Duremdes.

“Hindi maiiwasang maging magkaribal,” sabi ng isang beterano na pla-yers agent. “Kung natatandaan mo, nagtayo ng isang propesyonal na liga din dati (Metropolitan Basketball Association (MBA). Ginaya din nito ang paghingi ng pinakamalaking salary cap, siyempre gusto ng ibang player ganun din kalaki sahod nila. Ayun, goodbye sa liga,” sabi nito.

“Kung sa amin na mga agent, maganda iyan dahil makikinabang kami. But kung titingnan mo in the long run, hindi magi-ging maganda dahil hindi mo na maiiwasan ang transfer ng player mula sa isang liga papunta sa isa, kapag gusto ng player lumipat, hindi magpapakita ng magandang laro para ilipat mo,” sabi ng isa pang agent.

“For me, there should only be one pro league that runs well and where all the teams are stable,” sabi naman ni Charlie Dy, na agent ni 2019 PBA second draft overall pick Bobby Ray Parks, Jr.

Pinilit ng Abante/Abante Tonite na makausap si Duremdes upang makunan ng kanyang saloobin at opisyal na pahayag subalit hindi tumutugon sa ipinapadalang mga mensahe.

Sa kasalukuyan ay nasa estado na amateur ang tatlong taon nang MPBL, kung saan mula sa 10 orihinal na koponan sa unang taon ay umangat na ito sa 26 sa ikalawa at mayroon na ito sa kasalukuyan na kabuuang 31.

Ang MPBL ang pinaglalaruang liga sa ngayon ng mga dating propesyonal na manlalaro, mga homegrown player, Fil-foreigners at maging mga collegiate player na nakakakuha ng permiso sa kanilang unibersidad at kinabibilangan na torneo para makapagsanay at mapaghandaan ang kanilang sariling paliga.

“Hindi basta-basta ang maging propesyonal na liga dahil kailangan na magbayad ng franchise, hindi na pupuwede makalaro ang mga collegiate player, kailangan ng security o guaranteed contract ang kukuning player at marami pang ibang concern like kung tatagal ba ang liga dahil siyempre magiging investment iyan,” sabi pa ng isang agent.

Isang netizen na si Keben Istrada ang nagsabi na “hindi pwede mag-pro ang MPBL. ‘Pag nangyari yun, suspended ang SBP. Kasi per FIBA Rules, isang professional league lang. Nangyari na ito sa Japan at posibleng precedent sa mangyayari kapag may dalawang pro league.”

Naghigpit na rin ang MPBL hinggil sa pagtaas ng ibinibigay na suweldo o sinasabing allowance sa mga player dahil na din sa amateur nitong estado sa paglilimita sa salary cap rule.

Nararapat lamang na tumanggap ng hindi bababa sa P15,000 at pinakamataas na P50,000 ang natatanggap ng isang manlalaro. (Lito Oredo)