Mga player balik-practice simula sa May 1 – NBA

May hudyat na kaya ng nalalapit na pagbabalik ng NBA?

Papayagan na ng liga ang teams na ibukas sa players ang practice facilities umpisa sa May 1.

Iniulat ni Adrian Wojnarowski ng ESPN na papayagan ang pagbubukas ng mga pasilidad sa pag-eensayo sa mga lungsod na nagluwag na sa home quarantine.

Bawal pa rin naman ang group workouts, pahihintulutan lang ang paisa-isang pasok sa mga pasilidad.

Sinuspinde ng NBA ang natitira pang games sa 2019-20 regular season noong March 11 matapos unang mag-positive sa coronavirus disease si Utah Jazz center Rudy Gobert.

Wala pang kasiguruhan kung itutuloy pa ang 74th regular season, hindi pa rin nakakapagdesisyon ang US cage major league kung didiretso na sa playoffs sakaling ituloy ang mga laro.

May panukala noon na ituloy ang mga laro pero walang fans na papapasukin sa venues.

Sakaling matuloy, mangangailangan ng mula dalawang linggo ang players para magpa-kondisyon bago sumabak sa laro. (Vladi Eduarte)