Mga player trade bawal sa harap ng pandemic

Habang kanselado ang PBA dahil sa coronavirus, hindi muna puwede ang player trades.

Bawal din ang mga transaksiyon para papirmahin ng kontrata ang mga free agent.

Nagkaisang sinang-ayunan ng PBA Board ang proposal na suspendihin ang trades habang hindi pa bumabalik ang mga laro. Itinigil ang Philippine Cup noong March 11 dahil sa COVID-19.

Sabado ng gabi nagkaroon ng online meeting ang Board sa pangunguna ni chairman Ricky Vargas ng TNT, at isa sa napagkasunduan ang freeze sa anumang player transaction.

“The only transaction allowed is re-signing players whose contracts have lapsed,” paliwanag ni commissioner Willie Marcial.

Nasa team ang opsiyon kung papipirmahin na ang players na nag-expire ang kontrata habang suspendido pa ang liga.

Pero sakaling mag-resume na ang practice, sa loob ng limang araw ay kailangang bigyan ng kontrata ang players kundi ay magiging restricted free agents ang mga ito.

Maghihintay hanggang August ang PBA bago magbaba ng desisyon kung itutuloy pa ang mga laro o kakanselahin na ang buong season, depende sa sitwasyon ng pandemic. (Vladi Eduarte)