Uunahin ng gobyerno na bigyan ng tulong pinansiyal ang mga pinakamahihirap na pamilyang Pilipino na nasa listahan o database ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito ang inihayag ni Secetary to the Cabinet Karlo Nograles kasunod ng nakatakdang pamamahagi ng mula P5,000 hanggang P8,000 na ipinangakong tulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 18 milyong mahihirap na Pilipino.

Ayon kay Nograles, ang listahan ng DSWD ang susundin sa pagbibigay ng tulong pinansiyal, batay sa mga pangalang nasa database.

“Uumpisahan na po natin ang pamimigay sa linggong ito. Uunahin muna namin `yong mga nasa listahan ng database ng gobyerno. Ang DSWD ay patuloy na kinukuha ang listahan ng mga higit na nangangailangan sa lipunan. Ito `yong listahan ng most marginalized at pinakamahirap nating mga kababayan at ang kanilang pamilya,” ani Nograles.

Hawak na aniya ng DSWD ang listahan at hindi na muna gagamitin ang listahan ng mga local government unit, partikular ang listahan ng mga barangay dahil kung hihintayin pa ito ay hindi agad makakapag-umpisa ang gobyerno.

Samantala, idadaan naman sa beripikasyon ng DSWD ang isusumiteng listahan ng mga LGU para masigurong hindi magdodoble ang mga dapat na tumanggap ng tulong.

Ayon kay Nograles, uunahin munang ipamigay ng gobyerno ang food assistance at isusunod ang financial assistance.

Para sa mga hindi mabibigyan at wala sa database ng gobyerno ang mga pangalan, sinabi ng kalihim na mayroong social amelioration card o form na ipamamahagi sa mga barangay para makuha ang listahan ng mga kuwalipikadong dapat na makatanggap ng tulong.

Nabatid na P275 bilyon ang pondong inilaan para matugunan ang krisis sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) at P200 bilyon dito ay para sa 18 milyong mahihirap na mga Pilipino.

Ang P75 bilyon naman ay para sa health sector bilang pampasweldo at pambili ng mga personal protective equipment at medical supply.

(Aileen Taliping)