Villanueva sa Pagcor:
Pinatutukan ni Senador Joel Villanueva sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang mga manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na nagmula sa mga lugar na tinamaan ng novel coronavirus sa China.
Ayon kay Villanueva, dapat istriktong ipatupad ang 14 araw na quarantine procedure ng Department of Health (DOH) sa mga manggagawa ng POGO na galing China.
Paliwanag ng senador, nasa mandato Pagcor, bilang state gaming regulator, na tutukan ang mga POGO at hindi lang umasa sa ibang ahensiya tulad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagsagawa ng surveillance sa industriyang dapat sila ang tumututok.
“They issue licenses to POGO workers so they can work legitimately, thus it is Pagcor’s job to ensure workers comply with relevant health regulations,” sabi ni Villanueva.
Samantala, umapela naman ang Commission on Human Rights (CHR) sa publiko na iwasan ang diskriminasyon sa harap ng banta ng nCoV sa bansa.
Ayon kay CHR spokesperson Jacqueline de Guia, dapat pagbasehan ng mga Pilipino ang siyensa at ang mga isinagawang pag-aaral hinggil sa nCoV at itigil ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon na nagdudulot lamang ng takot.
Para naman kay Dr. Benny Lopez, municipal health officer ng Jaen, Nueva Ecija, malaking pakinabang diumano ang tsismis sa panahon ng kinatatakutang nCov.
“Sa barangay madalas matsismis kung sino ang bagong dating galing abroad, kung saan galing, kaya mapapakinabangan ngayon ang mga tsismis,” ani Lopez.
Kaya nararapat aniya na itatag ang mga Barangay Health Emergency Response Team batay sa utos ng DILG bilang tugon sa nCoV outbreak. (Dindo Matining/Tina Mendoza/Dolly Cabreza/Jojo de Guzman)