Mga preso pinatakas ng mga terorista sa Lanao del Sur

preso

Puspusan ang paghahanap ng pulisya sa mga presong nakatakas nang salakayin ng teroristang grupo ang isang piitan sa Lanao del Sur.

Kahapon nang ilabas na ng Philippine National Police ang listahan ng pangalan ng mga pugante sa naganap na jailbreak noong alas-5:30 ng madaling-araw matapos sumugod ang grupo ng mga kalalakihang armado ng rocket-propelled grenades (RPGs) para patakasin ang ilang mga preso.

Ang mga preso ay sina Aiawiya Mimbisa; Daud Basin; Saidamiin Matna; Mauamar Mocsir; Asnawi M. Manabilang; Danny Abdul Wahab Tarusan; PFC Hassy Gamelo; Cardawi Batugan; Aradan E. Manabilang; Rafsan Macaumbos H. Salic; Alinor Macaundas; Akil Binong at Rayafir Dipatuan Alug.

Magugunitang nilusob ng hindi bababa sa 50-armadong grupo ang nasabing piitan matapos dumating ang da­lawang babae na nagdala umano ng pagkain sa mga preso.

Itiniyempo ng mga armado ang pagpasok ng dalawang babae kung saan pinadapa ang mga jail guards bago maglakad patungo sa mga selda at hinagilap ang walong kasapi ng Maute group.

Ayon kay Tongco Abdullah, isa sa prison guards, hindi na sila nakalaban dahil ilan sa kanila ay nakaposas habang tinakot din silang papatayin kung lalaban.