Mga presong lumaya sa GCTA sisiyasatin ng DOJ

Mga presong lumaya sa GCTA sisiyasatin ng DOJ

Inatasan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra ang Bureau of Corrections (BuCor) na suspindehin ang pagpoproseso ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) sa mga bilanggo.

Ayon kay Guevarra, bubuo siya ng isang task force para siyasatin ang listahan ng mga bilanggong pinalaya alinsunod sa GCTA na nakapaloob sa Republic Act No. 10592.

Ito ay upang makilatis kung karapat-dapat ba sila sa ginagawad ng batas na mas pinaikling sentensya sa sandaling magpakabait sa bilangguan.

Kasama sa bubuuing task force ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng BuCor, Board of Pardons and Parole, Department of the Interior and Local Go­vernment, at maging ang mga local government unit.

Una nang inihayag ng DOJ na isasailalim sa pagsusuri ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA 10592 sa pagkakaloob ng GCTA sa mga bilanggo.

Ang pagsusuri sa IRR ng naturang batas ay kasunod ng kontrobersyang dulot ng inanunsyong posibleng paglaya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez sa kabila ng pitong habambuhay na pagkabilanggong hatol sa kanya dahil sa kontrobersiyal na rape-murder case sa dalawang University of the Philippines Los Baños (UPLB) student na sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez.

Target ni Guevarra na matapos ang pag-review sa loob lamang ng 10 araw para hindi aniya maapek­tuhan ang mga bilanggong kuwalipikado o karapat-dapat nang mapalaya sa pamamagitan ng GCTA lalo na ang mga presong nagpakita ng kagandahang asal at produktibong aktibidad habang nasa loob ng bilangguan. (Lorraine Gamo)