Nagpahayag ng pagtutol ang asosasyon ng mga pribadong paaralan hinggil sa panukalang simulan ang balik eskwela sa Setyembre dahil malaki na diumano ang epektong dulot sa kanila ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay Joseph Noel Estrada, managing director ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA), hindi nararapat na iantala pa ang pagbubukas ng klase at kailangang gumawa ng inisyatibo para masuportahan ang mga guro at ituloy ang ilang nakalaang flexible modes of learning kung nararapat na limitahan ang physical interaction sa pagitan ng mga mag-aaral.
“Delay might result to teachers and faculty changing careers because of the gap in their salaries due to the delay in school opening,” paliwanag ni Estrada.
Babala nito na maraming empleyado ng mga pribadong paaralan ang mawawalan ng trabaho kapag nagtagal pa ang balik eskwela.
Ayon kay Estrada, maraming pribadong paaralan ang hindi na kayang suportahan ang pagpapasweldo sa kanilang mga guro dahil sa ECQ.
“Our survey shows that many of the private schools would no longer be able to maintain their payroll beyond April 30. After this date, many private schools would resort to extreme measures to avoid closure, such as placing school personnel on floating status without pay,” ayon pa dito.
Ipinahayag naman ni Eleazardo Kasilag, presidente ng Federation of Associations of Private School Administrators, na kayang simulan ng mga pribadong eskwelahan ang klase sa Hunyo sa pamamagitan ng online delivery modes of learning.
Sinabi pa ni Kasilag na ang mga empleyado ng mga pribadong eskwelahan ay hindi kasama sa mga programang ayuda ng pamahalaan para sa mga apektado ng ECQ at kailangang bigyan din sila ng suporta. (Vick Aquino)