Mga pulis pinagtanggol: 7 estudyante sa anti-terror bill protest kinasuhan na

Ipinagtanggol kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang mga pulis na umaresto sa anim nagpoprotestang estudyante ng University of the Philippines Cebu City campus at isang alumnus na kontra sa anti-terror bill nitong Biyernes.

Ayon kay PNP Spokesperson Brig General Bernard Banac, ang pag-aresto sa mga nagprotesta ay walang kinalaman sa anti-terror bill.

‘Yun po ay bahagi ng ating pagpapatupad ng ating mandato sa pinaiiral natin na community quarantine. So sa tuwing may ganitong mga pagdaraos ng kilos protesta ang PNP ay kaisa tayo ng ating mamamayan sa pagpapahayag ng kanilang mga damdamin kaya nga ang una agad na ginagawa ng PNP riyan ay nakikipagdayolog po tayo, nakikipag-usap tayo sa kanila,” pahayag ni Banac sa isang panayam sa radyo.

Dagdag pa ni Banac na naiintindihan din umano ng PNP na nais lang nilang magpahayag ng kanilang saloobin subalit may umiiral na panuntunan sa ilalim ng community quarantine at may batas na umiiral hinggil dito.

Ilang beses na rin umanong pinakiusapan ng pulisya ang mga nagpo-protesta na mag disperse na subalit hindi sumunod ang mga ito dahilan upang gamitan na sila ng maximum tolerance.

Sa isyu hinggil sa pagpasok ng mga pulis sa loob ng UP Campus sa Cebu City, sinabi ni Banac na ito ay hindi iligal, dahil nagkaroon ng hot pursuit at doon tumakbo ang mga hinuling nagpo-protesta.

“Wala na po magagawa ang PNP kundi ipatupad po ang batas kaya may naaresto,” paliwanag pa ni Banac.

Sa ngayon ay sinampahan na ng kaukulang kaso ng pulisya ang mga hinuling nagprotesta na nasa kustodiya ng Cebu City Police Office. (Edwin Balasa)