Dismayado ang mga pulis na frontliner sa paglaban ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos na ipaalam sa kanila ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na makakatanggap lang sila ng P235 bilang COVID-19 hazard pay kada araw sa halip na P500 na naunang pinangako ng gobyerno.
Base sa ipinalabas na direktiba ni Police Brig General Marni Marcos, Acting Director Comptrollership ng PNP, hanggang P235 lang umano kada araw ang kayang ibigay bilang hazard pay sa mga pulis na frontliner.
Sa isang sulat naman na umiikot ngayon sa Camp Crame, tinutuligsa ang pamunuan ng PNP dahil sa ginawa umanong desisyon hinggil sa pagbawas ng hazard pay ng mga police frontliners na may temang “The Problem of the PNP is always a question of leadership not membership”.
“It is disheartening that the Gods of Camp Crame have again shortchanged its members. What was announced by the Palace and the Congress that they will receive P500 pesos hazard pay for COVID 19 duty. Now miraculously went down to P235. This is a mortal sin in leadership, as repeated many times the PNP does not need superficial programs and perfumed sloganeering”, base sa una nitong paragraph.
Ang kailangan lang naman umano ng kapulisan na lumalaban sa hindi nakikitang kalaban sa kalsada ay tignan ng pamunuan ng PNP ang kanilang kapakanan.
Karamihan sa kanila ang mga ama, ina, mga anak na nagtitiis na hindi makita o mayakap ang mga mahal sa buhay at pagkatapos ay ganito lang ang kanilang mapapala.
Hindi na rin kailangan ng Congressional o Senate Inquiry hinggil sa ginagawang `injustice’ ng PNP sa kanilang mga tauhan na dapat sana ay irespeto at parangalan dahil sa ginagawa nilang kabayanihan.
Samantala nagpaliwanag ang pamunuan ng PNP sa isyu hinggil sa P235 na hazard pay na tatanggapin ng mga police frontliner.
Base na rin sa kautusan ni PNP chief General Archie Francisco Gamboa ay pinapabilis na ng ahensya ang paglabas ng pondo na nakalaan para sa hazard pay ng mga police frontliner ng Enhance Community Quarantine (ECQ) na lumalaban sa pandemic na coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nilinaw naman ni General Marcos na kulang umano ang pondo ng pulisya kaya P235 kada araw lang ang uniform rate na ibinigay para sa hazard pay ng mga frontliners o aabot sa P7,050 kada buwan.
“This is based on the available funds of the PNP for since government agencies are directed to source out a Hazard Pay from its own available funds from the FY 2020 appropriations,” pahayag ni Marcos sa isang statement na inilabas ng PNP Public Information Office.
Sa ngayon ay patuloy ang koordinasyon ng PNP sa Department of Budget ang Management para sa karagdagang pondo upang makumpleto ang kabuuang P500 para sa maximum pay para sa mga frontliner.(Edwin Balasa)