Mga pulis sa Metro 8 oras ang duty

Ipinahayag kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) ­Director Camilo Cascolan na gagawing “Otso-Otso” o walong oras na lamang ang duty ng mga pulis sa Metro Manila.

Sa ginanap na press conference kahapon sa NCRPO headquarters sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City, sinabi ni Cascolan na kasabay ng pagbabago sa oras ng trabaho ng mga pulis ay itatalaga rin ang mga ito sa istasyon o presinto na malapit sa bahay nila upang mabilis na makapagserbisyo kahit tapos na ang kanilang duty.

“They must be on call, even if they are not on duty,” ani Cascolan.

“Halimbawa kung taga-Malabon City ang isang pulis, dapat naka-assign iyon sa Camanava area at kung taga-Pasay naman siya dapat sa Pasay City Police ito nakatalaga para hindi mahuli sa pagpasok nito kung maaga ang kanyang pasok,” ani Cascolan.

Ipinaliwanag pa ni Cascolan na katulad din sila ng iba pang empleyado ng pamahalaan na dapat sumunod sa Civil Service Commission (CSC).

Sa ilalim ng Section 5, Rule XVII ng Omnibus Rules Implementing Book V of Executive Order No. 292, lahat ng mga opisyal ng pamahalaan at mga kawani ay nararapat na magtrabaho nang walong oras bawat araw sa loob ng limang araw o may kabuuang 40-oras sa isang linggo.

Hindi kabilang sa oras na ito ang pagkain sa pa­nanghalian at nakasaad din sa CSC Omnibus Rules na maaari rin lumampas sa walong oras ang trabaho ng mga kawani ng gobyerno paminsan-minsan kung kinakailangan katulad ng pagbibigay ng serbisyo publiko.