Mga puno pinutol, bundok pinatag sa Boracay

Palaisipan ngayon sa mga residente ng Boracay kung bakit pinapatag ang halos kalahati ng mga bundok sa isla ng Boracay sa Aklan na isinara sa turista sa loob ng 6 na buwan para sa planong rehabilitasyon.

Partikular na tinukoy ng mga residente ng Brgy. Yapak ang mga bundok na malapit sa Boracay EcoVillage Resort at sa Ecovillage Convention Center.

Gamit ang mga heavy equipment, makikita sa ilang kumalat na pictures at videos na pinagpuputol ang mara­ming puno, nilinis ang mga bundok at pinapatag ang mga lupa.

Ayon sa mga residente, marami sa mga bahay sa forest land ang giniba pero nakapagtataka kung bakit kailangang ipatag ang mga bundok at putulin ang mga puno sa Boracay.

Hindi umano klaro kung bakit pinayagan ng local government at interagency task force ang nasabing hakbang o kung bahagi pa rin ito ng Boracay rehabilitation.

Wala ring maibigay na paliwanag sa isyu ang Department of Environment and Natural Resources (DENR).