Inaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 10 ang isang public school teacher matapos ang ikinasang buy-bust operation sa bayan ng Damulog, Bukidnon, Huwebes nang gabi.

Kinilala ni PDEA-10 Director Wilkins Villanueva ang suspek na si Rey, Grade 9 teacher, ng Old Damulog National High School matapos arestuhin ng mga tauhan ng Bukidnon Police at PDEA sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay New Compostela sa Damulog.

Nakuha mula sa guro ang apat na plastic sachet na naglalaman ng shabu na nagkakahalagang P16,000.00.

Nabatid na nagbebenta ng shabu ang guro sa kapwa nagdodrogang guro at ilang mga batang estudyante kaya nababangag.

Kinumpirma naman ni Maj. Silvestre Asiong, Bukidnon Provincial Police information officer na kasama si Rey sa listahan ng police watchlist na umano’y sabit na sa drug pushing noon pang 2015. Kasalukuyang nakakulong ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165, the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Vick Aquino)