Binalaan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga operator at drive­r na lalahok sa tigil-pasada na inorga­nisa ng mga miyembro ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsupers at Ope­rators Nationwide (PISTON) at Al­liance of Concerned Transport Organization (ACTO) sa Lunes, ika-30 ng Setyembre 2019, na kanilang babawian ng prangkisa,

“Ang prangkisa, pribilehiyo ‘yan at hindi karapatan. Nakasaad sa pribilehiyong ‘yan ang responsibilidad ng operator na bigyan ng komportableng biyahe ang kanyang pasahero. Kung magtitigil-pasada sila, sinong kawawa? Pasahero. Sana maisip nila ‘yon,” ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III.

Pinasalamatan naman ng LTFRB ang mga transport group at coope­rative na nagpahayag ng suporta sa programang modernisasyon ng gob­yerno, maging ang mga grupong na­ngakong hindi sila makikilahok sa ti­gil-pasada sa Lunes.

Sa kabila ng napipintong transport strike sa Lunes, tiniyak ng LTFRB, sa pakikipagtulungan sa iba pang sa­ngay ng gobyerno kabilang ang MMDA at mga lokal na pamahalaan, na mayroon itong nakaantabay na ‘contingency measures’ para maibsan ang epekto ng ikinakasang welga sa mga mananakay.

Una nang iginiit ng transport group na tuloy na tuloy at wala nang atrasan pa ang ikakasa nilang ma­lawakang tigil-pasada sa Lunes bilang pagtutol sa programang modernisas­yon ng gobyerno. (Dolly Cabreza)