Ako ay naniniwala na kapag sinabing mga Pilipino, tayo ay multi-etniko, multi-kultural, multi-lingguwal, maging multi-relihiyoso.
Ngunit diretsahan na at kolum ko naman ito: Ang mga taong may problema at agam-agam ukol sa konsepto ng pagka-Pilipino ay sa totoo lang, ang mga may pinag-aralan na malalim daw mag-isip pero sa totoo lang, sa termino ng aking kaibigang si Prop. Van Ybiernas, ay mga ‘kanluranized’.
Hindi ‘yan problema ng bayan, ng ordinaryong Pilipino.
May nagsasabi kasi na hindi puwedeng gamitin sa mga taga-Cebu ang Wikang Filipino. Sasagutin ka raw nila sa Ingles. Nababastos daw sila dahil hindi raw tanggap ng Cebuano ang mga Tagalog.
Heto, nag-stay ako sa Cebu maging sa Zamboanga City, Cagayan de Oro, Iloilo at iba pang mga lugar nang higit sa iilang araw. Never kong naranasan na binastos ako at hindi ako kinausap sa Filipino. In fact, madalang sa kanila ang kinausap ako sa Ingles at magaling din ang kanilang Filipino.
Dahil sa totoo lang, pag-uwi nila sa bahay, nanonood din sila ng ‘TV Patrol’, ‘Eat Bulaga’, ‘Wowowin’ at ‘Ang Probinsyano’.
Bagama’t minsan nagiging biru-biruan ang pagkakaroon ng ibang accent, nangyayari naman ito sa lahat ng lugar at hindi eksklusibo sa atin.
Pinapalaki lang ang sinasabing hidwaan ng mga rehiyon sa Pilipinas ng ilang mga intelektuwal o politiko ang isyu upang isulong ang kanilang kaniya-kaniyang mga agenda. Sinasabing may problema na mawala ang kanilang kultura gayong hindi naman ito kasalanan ng mga Tagalog, sapagkat nakasalalay sa mga nagsasalita ng wika kung patuloy nilang gagamitin ito. Kung tutuusin, sa paggamit ng dayuhang wika sa kanilang diskurso laban sa Filipino, sila mismo ang pumapatay ng kanilang wika.
Pero hindi talaga problema ng bayan ‘yan. ‘Di na nga nila pinag-iisipan ‘yan. Isinasabuhay lang nila kapwa ang kanilang pagka-Pilipino at ang kanilang etnikong pagkakakilanlan.
Isa pa, may nagtatanggol sa akin sa mga nagsasabing ako ay hindi Pilipino dahil may dugo akong Tsino at sinasabing “He is more Filipino than some Filipinos.”
Una, mali ito dahil wala namang ‘more Filipino’, lahat tayo ay pantay-pantay sa pagka-Pilipino.
Pangalawa, hindi ako sang-ayon na ako ay “More Filipino than some Filipinos” dahil ginagamit lang ang statement na ito sa mga hindi Pilipino na nagmamahal sa Pilipinas eh gayong Pilipino nga ako.
Ang mga Tsinoy ay mga Pilipino. Ito ang aming bayan. Wala kaming ibang bayan kundi ang Pilipinas. Lalo na siguro ako na ang lolo ko na lamang sa tuhod ang purong Tsino at ako ay Tsino na lamang sa apelyido.
Hindi na nga ako mayaman, hindi na nga ako guwapo. Ang pagka-Pilipino ko na nga lamang ang itinuturing kong tanging kayamanan na maipagmamalaki ko ay tatanggalin niyo pa? E ‘di wala na kayong itinira sa akin?
Sana mas lawakan pa natin ang ating pag-unawa sa kung ano at sino ang Pilipino.