Hiniling ng isang environmental group sa administrasyong Duterte na tuluyan nang isantabi ang mga nakalinya umanong reclamation project, partikular na sa Manila Bay.
Sa 2nd People’s Summit on the Impacts of Reclamation na ginanap sa Bayleaf Hotel sa Intramuros, Maynila kahapon ng umaga, ipinahayag ng grupong Oceana Philippines na dapat bigyang pansin ng gobyerno ang magiging epekto ng mga proyekto sa kabuhayan at tirahan ng mga tao at sa kalikasan.
Nabatid na 80 porsyento ng mga nakalinyang reclamation project ay makakaapekto umano sa Manila Bay.
Ipinunto pa ng Oceana Philippines na wala namang malinaw na plano para sa mga maaapektuhan ng mga proyekto ang Executive Order 74 ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa Philippine Reclamation Authority.
Nauna nang sinabi ng grupo na dapat ipreserba ang Manila Bay matapos matuklasan sa katubigan nito ang isang uri ng isda na maaari umanong gawing sardinas.
Binigyang-diin pa nito na malinaw na paglabag sa mga environmental law tulad ng Fisheries Code, Local Government Code, Environmental Impact Statement System at Climate Change Act ang mga reclamation project. (Mia Billones)