Naghasik ng matinding takot sa Eastern Visayas partikular sa mga residente ng Tacloban City ang nangyaring magnitude 6.6 lindol kahapon dulot na matinding trauma na naranasan noong sa biglaang pagtaas ng tubig sa dagat na dala ni bagyong Yolanda mahigit limang taon na ang nakararaan.

Nagmistulang exodus ang kabisera ng rehiyon dahil mara­ming business establishments, paaralan, at mga opisina ang agad na nagsara kaya naman maraming residente ang maagang umuwi ng bahay matapos ang Intensity 5 na lindol na tumama sa lungsod.

Ayon kay Col. Michael David, city police director, hindi normal ang naging reaksyon ng mga tao pagkatapos ng lindol kaya naman mabilis silang nag-ikot para payapain at pa­kalmahin ang kalooban ng mga ito.

“We have been going around telling people that there’s no tsunami alert since almost everyone is in panic,” sabi pa ng opisyal.

Dahil umano sa tsunami scare, mabilis na nagsikip ang daloy ng trapiko sa mga lansa­ngan dahil sa biglang pagdagsa ng mga tao sa kalsada. Nasa mahigit 200,000 ang populasyon ng lungsod sa kasalukuyan.

Nakita rin na marami sa mga residente malapit sa dagat ang mabilis na lumikas at nag-evacuate dala ang kanilang mga anak at ilang gamit.