Alam n’yo bang malupet ang pagkawatak-watak ng mga residente sa isang exclusive village sa Muntinlupa City dahil sa project ng Pari sa kanilang lugar.

Ayon sa aking bubwit, daig sa away ng nagkawatak-watak na mga residente ang away ng magkakalabang politiko dahil ‘yung magkakaibigan na magkakapit-bahay ay hindi ngayon nagkikibuan dahil sa kontrobersyal na proyekto ng simbahan.

Ayon sa aking bubwit, palakihan at paramihan ng propaganda materials o tarpaulin ang mga residente na kampi at kontra sa proyekto, propaganda materials na nakapaskil sa kanilang mga gate at bintana ng bahay.

Ang puno’t dulo ng pagkakawatak-watak ng mga residente sa ­Ayala Alabang Village sa Muntinlupa City ay ang project ng St. James Parish Church at ng St. James the Great Parish Foundation na magpatayo ng Events Place ng parokya sa tabi ng napakalaking simbahan. Tumatagin­ting na P219M ang perang nalikom ng St. James the Great Pa­rish Foundation sa mga residente para ipampatayo ng four-storey events center.

Kinokontra ng maraming residente ang pagtatayo ng events center ‘for security reasons’ ng village pero marami rin ang sumusuporta rito, nangunguna umano ang mga ‘sipsip’ sa pari na gustong bumili ng espasyo sa columbarium sa ilalim ng simbahan sa halagang P75,000.00.

Ang pagkakahati-­hati ng posisyon ng mga residente ay nagresulta ng propaganda war dahilan kaya naglipana ngayon sa mga bahay sa Ayala Alabang Village ang tarpaulins ng mga kampi at kontra sa proyekto.

Hindi lang ‘yan. Umabot na sa Housing and Land Use Regulatory Board ang isyu. Katuwiran ng isang grupo ng mga residenteng dumulog sa HLURB, ito’y para maging transparent ang Board of Governors ng St. James the Great Parish Foundation sa paggasta ng P219M pondo para sa ipatatayong events center.

Ayon sa aking bubwit, ang may hawak ng P219M na pondo ng proyektong sumira sa samahan ng mga residente sa Ayala Alabang Village ay isang pari at lider ng foundation. (DEO MACALMA )