Iginiit ni Vice President Leni Rob­redo na dapat paigtingin pa ang pagpapatupad ng mga babala sa publiko tungkol sa mga mapanganib na lugar kung saan madalas magkaroon ng landslide.

Sinabi ito ni Robredo matapos ang nangyaring landslide sa Brgy. Patitinan, Sagñay, Camarines Sur dulot na rin ng malakas na pagbuhos ng ulan dala ng bagyong Usman kung saan 25 katao ang nasawi.

“Iyong sabi kasi ng DPWH (Department of Public Works and Highways) na engineer, mayroon na daw warning iyong mga families doon na talagang may danger siyang mag-landslide, pero may mga ayaw umalis dahil nandoon iyong hanapbuhay,” ayon pa kay Robredo nang dalawin nito ang mga biktima ng landslide.

“Pero siguro ngayon, kailangan puwersahin na hindi na pabalikin, kasi talagang hindi worth ng buhay nila iyong pagpunta,” sabi ni Robredo.

Hiniling din ni Robredo sa mga lokal na opisyal na tukuyin ang ibang mga lugar kung saan madalas magkaroon ng landslide at pwersahin ang mga residente na umalis upang matiyak ang kanilang kaligtasan. (Eralyn Prado)