Mga sari-sari store sa Taytay sarado

Sarado ang lahat ng mga sari-sari store sa bayan ng Taytay, Rizal upang maiwasan umano ang paglabas-labas ng mga residente at upang hindi na kumalat pa ang kinatatakutang Corona virus disease (COVID-19).

Ayon kay Taytay Mayor Joric Gacula, suportado ng konseho ng Taytay, Muncipal Health Office, Taytay Police at mga barangay ang ordinansa na nag-uutos na isara ang lahat ng sari-sari store.

Layunin nito na maiwasan ang mga paglalabas ng mga residente upang bumili ng mga maliliit na bagay na makikita sa sari-sari store sa kabila ng paglalaan nila ng mobile palengke na umiikot sa mga barangay para magbenta ng mga pangunahing kailangan, ngayong pinatutupad ang social distancing at enhanced community quarantine (ECQ).

Paliwanag pa ni Gacula, binibigyan ng pagkakataon ang mga residente na makapaghanda upang makapamili ng sapat na pagkain sa isang araw na mabibili sa gumagalang mobile palengke.

Samantala, mayroon nang naitalang 45 COVID-19 case sa Taytay, tatlong nagpositiboong pasyente ang nadagdag sa record na taga-Brgy. Dolores, Sta. Ana at San Juan. (Vick Aquino)