“Akala mo matapang, masungit but in fact, she was very gracious, very generous with her words of wisdom and her kind words.”

Ganito inilarawan ni Senador Bam Aquino si ­dating Senadora Miriam Defensor-Santiago nang dumalaw ito kahapon ng tanghali sa burol ng senadora.

Ayon pa sa senador, tunay na nawalan ang bansa­ ng isang tao na hindi kailanman makakalimutan ng sinuman.

“We have really lost someone who made a dent in our history. Someone na hindi makakalimutan ng tao. For me, having served with her for a few years, isa siyang tao na mapagbigay sa kanyang oras at sa kanyang kaalaman,” ayon pa kay Aquino kasabay ng pagsasabing, “We will miss her and the country will miss her as well”.

Gayundin si Sen. Joel Villanueva na dumalaw rin sa burol ay umaasa na anumang naiwang legasiy­a ng senadora ay mananatili sa puso at isipan ng bawat mamamayang Filipino.

Dumalaw na rin sa burol sina Sens. Cynthia­ Villar­ at Gringo Honasan.

Wala nang necrological service na ibibigay ang Senado para sa senadora, alinsunod na rin ito sa naging habilin nito na isang simpleng seremonya lamang ang nais niya.

Samantala, habang isinusulat ang balitang ito ay kinumpirma kagabi ng Palasyo ng Malacañang na dadalaw si Pangulong Rodrigo Duterte sa huling ­gabi ng burol ni Santiago.

Sina Duterte at Santiago ay naging magkalaban sa 2016 Presidential elections.

Alas-11:30 ng gabi ang inaasahang dating ng Pangulo sa Cathedral Grottos of the Immaculate Conception Cathedral sa Cubao, Quezon City kung saan nakalagak ang labi ng senadora.

Kasunod ng inaasahang pagdating ng Pangul­o ay iniutos ng pamilya ang pagsasara bandang alas-12:00 ng hatinggabi ng public viewing upang pribadong makapagluksa ang mga naulila.

Ang mga labi ng senadora ay dadalhin ngayong araw, Oktubre 2 sa kanyang huling hantungan sa Loyola Memorial Chapel and Crematorium sa Marikina, bandang ala-una ng hapon.