Aminado ang mga militanteng mambabatas sa sinabi ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na may pork barrel pa rin na nakasapin sa P3.75 trillion national budget sa 2019 para sa mga miyembro ng Kamara pero iginiit na mas malaki pa ang nakukuha ng mga mambabatas sa Senado kumpara sa natatanggap ng mga kongresista.

Hindi kinontra ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang napaulat na pag-akusa ni Lacson na may P60 milyong halaga ng pork barrel na ipinamudmod diumano si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa mga kongresista na nakasapin sa budget pero iginiit nito na nangyayari rin ang ganitong kalakaran sa Senado.

“Nananatili ‘yan at malakas ‘yan (pork barrel). Ang gusto kong idag­dag, hindi lang Kongreso (Kamara) ang gumagawa nito. Pati sa Senado may ganyan din na sistema,” ani Tinio.

“Mas malaki ‘yung allocation nila dahil sinasabi national ‘yung constituency (ng mga senador). Sana si Senator Lacson, dahil senador siya mismo, siya ‘yung nasa posisyon, dapat handa din siya ilantad ‘yung pork barrel sa Senado mismo,” dagdag ng mambabatas.

Posible aniya na hindi lang P60 milyon kundi mas malaki pa ang halaga ng inilaang pork barrel sa mga senador.

“Actually tingin ko mali ‘yung information niya. Hindi lang P60 million ‘yan, mas malaki pa…dati na may P100 million na ‘yan na allocation. I think kinuha lang ni Senator Lacson ‘yung figure na P60 million doon sa P51 billion na ni-realign ng leadership ng House. Of that, mayroong P30 billion na nakalagay sa DPWH,” ayon kay Tinio.

Pero nilinaw nito na hindi ­tumatanggap ng pork barrel ang pitong kongresista na miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara.

“For the nth time, ang Makaba­yan bloc ay hindi tumatanggap, hindi nag-a-access, hindi nagsa-submit ng pet projects para maipasok sa General Appropriations Act,” sabi ni Tinio.

Iginiit naman ni Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin na hindi tamang akusahan ang mga kongresista dahil may mga proyekto rin na inilalawit ang mga senador.