Mga senador nadismaya sa alay-lakad ng mga commuter

Pinuna ng ilang senador ang kawalan diumano ng sapat na kahandaan ng Department of Transportation (DOTr) dahil sa nararanasang kalbaryo ng mga commuter na nagbalik trabaho sa mga lugar na sinailalim sa general community quarantine (GCQ) katulad sa Metro Manila.

Hinamon ni Senador Nancy Binay si DOTr Secretary Arthur Tugade at iba pang opisyal ng gobyerno na mag-commute para maranasan nila kung gaano kahirap ito ngayong pinapatupad na ang GCQ sa halos lahat ng lugar sa bansa.

“Ano ba talaga ang plano ng DOTr sa commuters? Three months under ECQ and still they have no clear plan in place. What happened to foresight? Mabuti sila’t aircon ang mga sasakyan,” sabi ni Binay.

“They knew that 30% of those in NCR will start going to work by June 1–tapos ang idi-deploy eh truck ng libreng sakay which compromise and breach all health protocols particularly physical distancing,” dagdag pa nito.

Ganito rin halos ang pananaw ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na sinabing kulang sa pagpaplano ang gobyerno.

Mas pinuri pa ni Drilon ang militar at kapulisan dahil sa ginawang pagtulong para maihatid sa kanilang patutunguhan ang mga stranded na mga pasahero.

Dismayado rin si Senador Joel Villanueva dahil hindi pinaghandaan ng mga government transport official ang kakulangan ng masasakyan ng mga libo-libong mga empleyado sa unang araw ng GCQ.

“Our economy has been the prime consideration in the decision to relax our quarantine restriction, but sadly, it appears we forgot about the mobility of our workers in our desire to jumpstart the recovery,” sabi ni Villanueva. (Dindo Matining)