Hinihimok ng mga senador ang ilang mga negosyante sa katimugang bahagi ng Europa para mamuhan sa Pilipinas at para mapalakas din ang ugyanang diplomatiko at people-to-people exchange.
Sa kanyang pagdalo sa 141st Inter-Parliamentary Union Assembly sa Belgrade nitong nakaraang Linggo, binigyang-diin ni Senator Imee R. Marcos na malaki ang potensiyal na magdagdag pa ng negosyo o puhunan sa Pilipinas ang mga bansang nasasakupan ng Eastern Europe.
“Dapat tutukan din ng gobyernong Duterte ang pagpapaigting ng diplomatic relations, people-to-people exchanges, tourism, education, finance and trade engagement sa Eastern European countries dahil sa potential na ganansya ng Pilipinas, bukod sa posibleng trabaho para sa mga Pilipinong skilled workers,” diin ni Marcos.
Sabi ng senadora, magbibigay ito ng oportunidad para sa Pilipinas upang mag-export ng ating mga produkto sa mga bansang nabibilang sa Eastern Europe.
Kasama sa Eastern European countries na kaibigan ng Pilipinas ay ang Hungary, Moldova, Belarus, Russian Federation, Romania, Poland, Montenegro, Serbia, Albania at Bosnia. (Dindo Matining)