Mga senador ng LP harang sa China Telecom

Nagpalabas ng pahayag ang mga senador ng Liberal Party (LP) na sina Franklin Drilon, Risa Hontiveros, Leila de Lima, Francis Pa­ngilinan at Antonio Trillanes na sinisiraan ang proseso ng pagpili ng National Telecommunications Commission (NTC) sa provisional new major player (NMP) na Mislatel Consortium.

Kabilang sa katanungan ng mga senador ng LP ang transparency ng selection process lalo sa tanong kung bakit nadiskuwalipika ang dalawa pang bidder at kung isinagawa ito masabi lang na dumaan sa maayos na proseso ang gobyerno.

Isinangkot din nila ang Malacañang sa isyu na tiniyak na makapagsisimula ang operasyon sa Pilipinas ng China Telecom sa unang bahagi ng 2019.

Ngunit ipinagtataka ng mga netizen ang mga kuwestiyon ng bloke ng oposisyon na napansing “hindi nila ginawa nang maayos ang kanilang homework” dahil ang kabuuan ng pa-bidding ng NTC mula sa pag-submit ng mga bid hanggang sa pagpili ng provisional NMP ay naka-broadcast nang live sa iba’t ibang news channel.

Sa araw ding napili ang Mislatel Consortium, idiniin ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi nakialam si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpili sa ikatlong telco at “naging transparent, patas, isinapubliko at bukas ang proseso na isinagawa nang naaayon sa batas at nararapat na mga patakaran at re­gulasyon.”

Tulad ni Escudero, naniniwala si Sen. Sonny Angara na ang pagpasok ng NMP sa telecommunications industry ay magpapabilis sa pagpapatupad ng malawak sa buong bansa at mas mainam na internet service na abot-kaya ng mamamayan.

Dahil kasama sa Mislatel Group ang China Telecom, nagpahayag ng pangamba si Sen. Grace Poe sa seguridad ng ating bansa kaya hindi dapat balewalain ang paglahok ng isang dayuhang kompanya sa telco at dapat timbanging mabuti ito ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng iba pang ahensiya sa intelligence community.